19/06/2026
Nilinaw ng kung kailan opisyal na nagsisimula ang takdang panahon ng pagpoproseso o processing period para sa value-added tax (VAT) refund claims o hiling na VAT refund.
Sa isang Desisyon na isinulat ni Associate Justice Maria Filomena D. Singh, in-update ng Ikatlong Dibisyon ng Korte Suprema ang buod ng mga panuntunan kung kailan magsisimula ang mga processing period para sa mga VAT refund claim sa ilalim ng Seksyon 112(A) ng Tax Code. Ipinaliwanag ang mga patakarang ito sa kaso ng Commissioner of Internal Revenue (CIR) v. Dohle Shipmanagement Philippines Corporation at binago ngayon base sa mga nagbabagong polisiya.
- Para sa mga administrative claim para sa VAT refund o credit na isinumite bago ang Hunyo 11, 2014, nagsisimula ang 120-day period o 120-araw na bilang na panahon sa petsa ng paghahain ng hiling kapag ang taxpayer ay nagpasa ng kumpletong dokumento kasabay nito, o kaya ay nagpahayag na hindi na sila magsusumite ng karagdagang mga dokumento. Kung hindi ipinaalam ng Bureau of Internal Revenue (BIR) sa taxpayer na kulang ang kanilang mga dokumento, magsisimula ang 120-araw na bilang sa araw ng pagpasa ng taxpayer. Kung ipinaalam naman ng BIR na may kailangan pang karagdagang dokumento, magsisimula ang 120-araw na bilang sa araw ng pagpasa nito o sa pagtatapos ng ibinigay na 30-araw na palugit para magsumite.
- Para sa mga administrative claim para sa VAT refund o credit na isinumite mula Hunyo 11, 2014 hanggang Disyembre 31, 2017, ang 120-araw na bilang ay magsisimula sa mismong petsa ng paghahain ng hiling na may kasamang kumpletong mga dokumento. Hindi na pinapayagan ang taxpayer na magsumite pa ng karagdagang mga dokumento pagkatapos maihain ang claim.
- Para sa mga administrative claim para sa VAT refund o credit na isinumite simula Enero 1, 2018 hanggang Enero 18, 2021, pinaikli ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion Law (TRAIN Law) ang 120-araw na bilang para sa pagpoproseso ng CIR patungong 90 araw na lamang. Ang 90-araw na bilang ay magsisimula sa pagpasa ng mga official receipt o invoice at iba pang mga sumusuportang dokumento para sa aplikasyon ng VAT refund. Hindi tatanggapin ang aplikasyon kung hindi kumpleto ang mga dokumento. Agarang tatanggihan ang anumang claim na walang sapat na patunay o dokumento na magreresulta sa buo o bahagyang denial o pagsantabi ng refund.
- Para sa mga administrative claim para sa VAT refund o credit na isinumite mula Enero 19, 2021 hanggang Hunyo 30, 2023, ang 90-araw na bilang ay magsisimula sa pagpasa ng mga opisyal na resibo o invoice at iba pang mga sumusuportang dokumento para sa aplikasyon ng VAT refund. Isang Checklist of Requirements ang inilabas ng BIR para maging batayan kung kumpleto ang mga isinumiteng dokumento.
- Para sa mga administratibong hiling para sa VAT refund o credit na isinumite mula Hulyo 1, 2023 hanggang Oktubre 17, 2024, ang 90-araw na bilang ay magsisimula sa pagpasa ng mga opisyal na resibo o invoice at iba pang mga sumusuportang dokumento para sa aplikasyon ng VAT refund, na nakasaad sa Checklist.
- Para sa mga administratibong hiling para sa VAT refund o credit na isinumite mula Oktubre 18, 2024 hanggang Marso 31, 2025, ang 90-araw na bilang ay magsisimula sa pagtanggap ng processing office o tanggapan ng pagpoproseso sa hiling o aplikasyon para sa VAT refund na may kumpletong dokumento, ayon sa itinatakda ng Checklist. Hindi tatanggapin ang mga aplikasyon na hindi kumpleto ang dokumento.
- Para sa mga administrative claim para sa VAT refund o credit na isinumite simula Abril 1, 2025 patuloy, ang 90-araw na bilang ay magsisimula sa pagpasa ng mga certified true copy ng mga invoice o opisyal na resibo at iba pang mga sumusuportang dokumento para sa aplikasyon ng VAT refund, gaya ng nakasaad sa Checklist. Hindi tatanggapin at hindi ipoproseso ng tanggapan ng pagpoproseso ang aplikasyon kung hindi kumpleto ang mga dokumento.
Basahin ang press release sa https://sc.judiciary.gov.ph/?p=167773
Basahin ang Desisyon sa https://sc.judiciary.gov.ph/?p=164115.
Sumunod sa Credit Attribution Policy ng SC PIO: https://sc.judiciary.gov.ph/credit-attribution-policy/.